Mahal naming mga Kaibigan sa Panginoon,
Kapayapaan at kagalakan na hatid ni Kristong muling nabuhay! Pinasasalamat natin ang ating Diyos sa biyayang si Pope Leo XIV, isang misyonaryong Papa na masaya nating tinatanggap na samahan tayo sa paglalakbay tungo sa Panginoon, at upang magbigay ng inspirasyon para sa mas taimtim na pagpapatupad ng ating misyon.
Bilang paghahanda para sa ating National Assembly sa Agosto, habang patapos na ang panahon ng Pasko ng Muling Pagkabuhay at ipinagdiriwang natin ang Linggo ng Pentekostes, masaya naming ibinabahagi sa inyo ang isang Reflection Module tungkol sa Pagkikitagpo kay Kristong Muling Nabuhay. Ang seryeng ito ng apat na tagpuan kay Kristong Nabuhay ay maingat na idinisenyo ng ating NA Program Team upang tulungang mabuksan ang ating isip at puso tungo sa pagiging: Isang Komunidad na puno ng pag-asa na nakikibahagi sa Misyon—ang tema ng NA 2025.
Ang mga pagninilay na ito ay naglalayong tulungan tayong masusing suriin kung paano nating natagpuan ang Panginoon—
-
sa mga apostolikong hangganan (apostolic frontiers),
-
sa gitna ng paghihirap ng mundo,
-
o sa mga makabuluhang sandali ng liwanag at dilim sa mga nakaraang tatlong taon mula nuong NA2022.
Higit pa sa pagsasalaysay ng “ang ating mga nagawa” sa pamamagitan ng mga konkretong hakbang at kinalabasan nito, tayo ay inaanyayahang magmuni-muni sa mas mahalagang tanong: “Paano tayo naging tapat?”
Nagsisimula ang bawat pagninilay sa isang panalangin para sa biyaya na ating hihilingin sa National Assembly: “Panginoon, tulungan Mo kaming matagpuan Kayong muli, muling buhayin ang aming pag-asa, at palalimin ang aming misyon.”
Mga Opsyon para sa Paggamit:
Ang bawat komunidad ay malayang pumili ng isang pagninilay o higit pa, na naaangkop sa kanilang konteksto:
-
Maaaring pumili ng isang pagninilay na umaalingawngaw sa kanilang paglalakbay bilang komunidad.
-
Ang iba naman ay maaaring pumili ng mga pagninilay batay sa pag-unlad ng kanilang misyon.
-
Ang ilan ay maaaring magpasyang pagtuunan ang lahat ng apat na pagninilay, sa loob ng dalawang hanggang tatlong buwan bago ang Assembly.
Mga Tagubilin para sa mga Gabay ng Komunidad:
-
Ang module na ito ay inaalok para magamit sa mga regular na pagtitipon ng komunidad o serye ng mga pagtitipon. Ang mga gabay ay hinihiling na tulungan ang komunidad na manalangin sa mga pagninilay, at tuklasin kung alin ang tumutugma sa kanilang paglalakbay.
-
Gabayan ang komunidad sa pagbabahagi ng mga bunga ng kanilang pagninilay sa pamamagitan ng isang espirituwal na pag-uusap (spiritual conversation). Pagnilayan ang mga sumusunod na tanong:
-
Paano natin nakatagpo si Kristong Muling Nabuhay sa mga hangganan ng ating tinugunan (apostolic frontiers)?
-
Anong mga elemento ang tumimo sa atin bilang komunidad, at bakit?
-
Bilang bahagi ng ating pagninilay, bawat komunidad ay hinihiling na gumawa ng isang digital na poster, o paglalarawan sa papel na A4 na sukat, upang ipakita ang mga pangunahing elementong ito. Ang pangalan ng komunidad at ng Gabay ay dapat nakasulat sa poster. Mangyaring ipadala ito sa pamamaraang email sa CLCP Secretariat ([email protected]), o dalhin nang personal sa National Assembly. Ang lahat ng mga poster ay ipapakita sa Gallery of Graces na ididisplay sa unang araw ng NA.
Nawa’y samahan tayo ng Banal na Espiritu at ng ating Mahal na Ina sa ating pagglalakbay bilang mga Easter People ng Panginoon, na masaya at tapat na sumusunod kay Kristong Muling Nabuhay.
Naglilingkod, sa pagkakaisa kay Kristo, Ang 2022-25 National Leadership Community
Kalakip: bit.ly/NA2025_reflectionmodule-filipino
|